Iginiit ni Senador Chiz Escudero na nasa kamay na ng ehekutibo ang pag-aksyon para makawala ang ating bansa sa gray list ng Financial Action Task Force (FAFT).
Ayon kay Escudero, dapat pahusayin at higpitan ang regulasyon sa money remittances at terror financing system at gamitin ang economic data ng pamahalaan.
Sinabi ng senador na sa panig ng lehislatura ay nagawa na nila ang lahat para matugunan ang isyung ito
Ipinunto ng dating senate committee on banks chairman na nakapagpasa na sila ng mga kinakailangang batas para hindi masama ang Pilipinas sa gray list ng FAFT.
Sa pinakahuling batas aniya na kanilang ipinasa, isinama na ang casinos, real estate brokers, junket operators, at pawnshop money exchange sa masusing imomonitor pagdating sa money laundering at terror financing system.
Una nang inutusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang lahat ng kinauukulang ahensya ng pamahalaan na tugunan ang natitirang kakulangan ng bansa sa paglaban sa money laundering at terror financing system.
Ito ay dahil nais ng punong ehekutibo na matanggal ang Pilipinas sa gray list ng naturang task force. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion