Pinabulaanan ni Leyte Representative Richard Gomez ang kumakalat na balitang inalok ng tig-₱20-million ang mga kongresista upang simulan ang pagpapapirma sa People’s Initiative para amyendahan ang Konstitusyon.
Ayon sa mambabatas, hindi sila kailangang bayaran pagdating sa pagsusulong ng Constitutional reforms lalo na kung para naman ito mapagbuti ang ekonomiya at buhay ng mga Pilipino.
Katunayan, handa aniya siyang manguna sa Charter Change sakaling atasan upang mas makahikayat pa ng foreign investments at maisaayos ang bureaucratic processes upang mas maging business-friendly ang bansa.
Punto pa ni Gomez na sa pagtalakay ng Constitutional reforms ay mapag-uusapan na rin ang ilang usapin gaya ng political dynasties, korapsyon, at pagprotekta sa karapatang-pantao. | ulat ni Kathleen Jean Forbes