Naglabas ng pahayag ang lokal na pamahalaan ng Daraga sa lalawigan ng Albay hinggil sa mga kumakalat na “lot for sale” ng relocation site sa social media.
Ibinatid ng LGU Daraga sa publiko na hindi ipinagbibili ang mga lupang pagmamay-ari ng gobyerno.
Nakasaad sa Republic Act. No. 7279 o ang Urban Development and Housing Act of 1992, sa ilalim ng Section 14, walang lupa o lote para sa pampublikong pabahay kasama na ang mga istruktura o may-ari nito, pwedeng ilipat, ipagbili o paupahan ng sinumang benepisyaryo maliban na lamang sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng programang itinakda ng kinauukulang ahensya ng gobyerno.
Pinaalalahanan din ng LGU Daraga, na sila lamang ang awtorisadong mag-assess ng mga kwalipikadong benepisyaryo na titira sa mga abandonadong bahay o lote sa relocation sites.
Hinihikayat rin nila ang publiko na maaaring ipagbigay alam o idulog sa Municipal Social Welfare and Development Office Rehabilitation Focal Person ang ganitong maling aktibidad. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay
Photo: Daraga PIO