Tatalima ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi makikipagtulungan ang gobyerno sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) laban sa war on drugs ng nagdaang administrasyon.
Pahayag ito ni DILG Secretary Benhur Abalos, nang tanungin kung mayroon na bang ibinabang kautusan sa mga lokal na pamahalaan, at sa hanay ng Philippine National Police (PNP) kaugnay sa pahayag na ito ng Pangulo.
Sa press briefing sa Malacañang, binigyang diin ng kalihim na susunod sila kay Pangulong Marcos.
“We will follow the lead of the President.” —Abalos.
Kung matatandaan, una nang sinabi ng Pangulo na binabantayan ng gobyerno ang galaw ng ICC.
Kaugnay nito, sinabi ni Secretary Abalos na wala silang impormasyon sa napabalita na nakarating na ng Pilipinas at tapos na ang imbestigasyon ng ICC investigators.
“As far as our office is concerned, the DILG is, I have no knowledge about this, there is no communication with them, nothing at all.” —Abalos. | ulat ni Racquel Bayan