Tinupad ng liderato ng Kamara ang pangako na pulungin ang local manufacturer ng jeep.
Matatandaan na sa pagharap ni Speaker Martin Romualdez sa grupo ng mga transport operator at jeep ay sinabi niyang hahanapan nila ng paraan na mapanatili ang iconic na disenyo ng tradisyunal na jeep.
Ngayong umaga ay pinakinggan ni Romualdez, House Committee on Appropriations chairperson, at Deputy Speaker at Quezon Rep. Jayjay Suarez ang panig ng local manufacturer ng jeep sa kung ano ang bentahe ng lokal na produksyon kumpara sa mga imported na unit.
Ayon sa grupong Manibela at Piston, wala silang angal sa planong modernisasyon ng jeep ngunit mas pipiliin nila ang local manufacturer para mapanatili ang tradisyunal na itsura ng jeep.
Bilang simbolo ng bansa, ayon kay Romualdez, hindi dapat mawala ang iconic na itsura ng jeep.
Kumpiyansa din ni Romualdez na kaya naman ng mga Pilipino na tapatan ang modernong jeep na gawa ng ibang mga bansa.
Nagpasalamat naman ang eFrancisco Motor Corporation (eFMC) at Sarao na kinatawan nina Mr. Elmer Francisco and Ed Sarao sa pakikinig ng Kongreso sa kanilang panig. | ulat ni Kath Forbes