Pinatawan ng Land Transportation Office (LTO) ng 90-araw na suspensyon ang lisensya ng SUV driver na bumangga at dumiretso sa loob ng isang bangko sa Quezon City noong December 28 at ikinasawi ng isang indibidwal at ikinasugat ng anim na iba pa.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, naisyuhan na rin ng Show Cause Order (SCO) maging ang babaeng registered owner ng Toyota Fortuner, para pagpaliwanagin kung bakit hindi dapat na panagutin sa paglabag sa Joint Administrative Order 2014-01 na may kaugnayan sa reckless driving, at paglabag sa Land Transportation and Traffic Code.
Batay sa inisyal na resulta ng imbestigasyon ng LTO, lumalabas na nakabangga pa ng isang nakaparadang sasakyan ang sangkot na SUV bago sumalpok sa BDO Novaliches-Lagro branch sa Quirino Highway, Barangay Pasong Putik.
Pinahaharap ng LTO ang driver pati na ang rehistradong may-ari ng sasakyan sa LTO-NCR Office sa January 10.
“Failure to appear and submit a notarized affidavit at the above-stated time, day, and place shall be construed as a waiver to be heard and controvert the allegations against you, leaving this Office to resolve the case administratively based on the available records,” nakasaad sa SCO.
Kaugnay nito, nagpaabot na rin ng pakikiramay ang LTO sa pamilya ng kliyente sa bangko na nasawi dahil sa aksidente. | ulat ni Merry Ann Bastasa