Walang nakikitang pangangailangan si Philippine National Police (PNP) Chief, General Benjamin Acorda Jr. para magsagawa ng loyalty check sa kanilang hanay.
Ito’y makaraang personal na ireklamo ng PNP Chief ang retired Army General at Vlogger na si Johnny Macanas dahil sa pagdadawit sa kaniya gayundin kay AFP Chief of Staff, General Romeo Brawner Jr. sa usapin ng umano’y destabilisasyon sa pamahalaan.
Sa kaniyang pag-iinspeksyon sa Simbahan ng Quiapo sa kasagsagan ng Traslacion kahapon, sinabi ni Acorda na nananatili ang suporta ng buong hanay ng Pulisya kay Pangulong Ferdinnd R. Marcos Jr. bilang kanilang Commander-in-Chief at nanumpa silang igagalang ang Saligang Batas at watawat ng bansa.
Inamin din ng PNP chief na nagkausap na sila ni Gen. Brawner hinggil sa usapin subalit ayaw muna niyang pangunahan ang magiging hakbang nito.
Sa panig ng AFP, tila ayaw na nitong patulan pa ang usapin bagaman inamin na dati nga nilang opisyal si Macanas bilang dating pinuno ng Army Reserved Force.
Gayunman, sinabi sa Radyo Pilipinas ni AFP Spokesperson, Colonel Medel Aguilar na nakatutok sila ngayon sa mas mahalagang misyon, ang labanan ang terorismo, insurgency, at ipagtanggol ang soberanya ng bansa sa West Philippine Sea. | ulat ni Jaymark Dagala