Pormal na inilabas ngayong araw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Memorandum Circular 2024 – 01 na siyang nagsasaad sa pagpapalawig ng franchise consolidation ng public utility vehicles (PUVs) salig sa PUV Modernization Program.
Ayon kay LTFRB Board Member Atty. Mercy Jane Paras Leynes, nakasaad sa kautusang ito na papayagan pa ring makabiyahe ang mga unconsolidated PUV hanggang April 30.
“Nasa website na po namin yung MC 2024-01 stating specifically that the confirmation will be allowed until April 30, that they are authorized to ply their route even if unconsolidated until April 30.” ani Leynes
Matatandaan na nagdesisyon si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mula January 31 na deadline sa consolidation ay pinalawig ito ng tatlong buwan.
Sa pagpapatuloy kasi ng pagdinig ng House Committee on Transportation kaugnay sa pagpapatupad ng PUVMP, ibinahagi ng ilang transport group na may mga hinuli at in-impound na mga jeep dahil sa hindi umano nakasunod sa consolidation.
Sabi ni Leynes, hindi maaaring hulihin ang naturang mga jeep dahil una nang nagpatupad ng extension ang pamahalaan para sa consolidation na magtatapos ngayong araw.
“Tutal po, between January 24 until today talagang effective pa naman po yung dati nating extension na January 31. Kaya ko po hinihingi yung listahan, di pa po and ending 1 ngayon na hindi maka rehistro, hindi pa naman siya huhulihin. Sa bukas pa po, February 1. Kaya po nagtataka ako kung may ending 1 na nahuli ibig sabihin, 2023 hindi siya nag-renew.
Hiniling naman ni Leynes sa transport groups na isumite ang mga plaka ng mga naimpound na jeep upang matulungang mailabas. | ulat ni Kathleen Forbes