Muling nanindigan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na walang magiging transport crisis sa Metro Manila pagsapit ng Pebrero.
Ito ay kahit pa umabot sa 300 ruta ang natukoy ng LTFRB na may mga hindi nagconsolidate na jeepney units at magiging colorum na simula Feb. 1.
Paliwanag ni LTFRB NCR Reg Dir. Zona Russet Tamayo, mayorya ng mga rutang ito ay mga maiikli o short distance routes na maaari namang saluhin ng mga transport cooperative.
Aniya, walang dapat ipag-aalala ang mga commuter dahil lahat ng major thoroughfares ay may bbiyaheng consolidated jeepneys, bukod pa sa mga regular na opsyon na gaya ng MRT, LRT, Edsa Busway at mga UV express.
Tuloy tuloy naman ang koordinasyon ng LTFRB sa MMDA at mga LGU para paghandaan ang magiging sitwasyon sa mga lansangan sa Metro Manila pagsapit ng Pebrero.
Kasama na rito ang posibleng pagbibigay ng libreng sakay sakali mang may mga mastranded na pasahero.
Sa panig ng LTO, nakatakda itong magsagawa ng malaking command conference sa lunes para paghandaan din ang magiging operasyon laban sa mga colorum PUJS. | ulat ni Merry Ann Bastasa