Pinaalalahanan ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chair Teofilo Guadiz III ang mga Transportation Network Companies (TNC) sa bansa na sumunod sa nakasaad na terms at conditions sa kanilang accreditation.
Ito’y kasunod ng ipinataw na suspensyon sa RL Soft Corporation, na nag-o-operate bilang inDrive dahil sa paglabag sa fare regulation ng ahensya.
Sa isang pahayag, ipinunto ni LTFRB Chair Guadiz na ang pangongontrata sa mga pasahero ay taliwas sa prinsipyo ng ‘transparency’ na dapat pinaiiral sa mga pampublikong transportasyon.
Sa ngayon, masusi aniyang iniimbestigahan ng LTFRB ang mga alegasyon sa naturang kompanya upang madetermina ang lawak ng violation nito.
Epektibo ang suspensyon ng inDrive simula kahapon, January 23 hanggang makapagpresenta ito ng Proof of Compliance, sa loob ng 15 araw na ibinigay ng board.
Muli namang ipinunto ng LTFRB na mahalaga ang compliance ng mga TNC sa mga regulasyon upang mapanatili ang integridad sa pampublikong transportasyon sa bansa.
“The LTFRB will continue to enforce policies that prioritize the safety, fairness, and efficiency of transportation services for the benefit of the commuting public.” | ulat ni Merry Ann Bastasa