Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na susunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kaugnay ng pagpapalawig ng franchise consolidation.
Ito’y matapos ianunsyo ng Malacañan na pinagbigyan ng Pangulo na ma-extend pa ang consolidation ng tatlong buwan o hanggang sa April 30, 2024.
Sa isang maikling pahayag, sinabi ni LTFRB Chair Teofilo Guadiz III na tatalima ito sa naging pasya ng Pangulo.
Kasunod nito, muli nitong hinikayat ang mga PUV operator at driver na samantalahin ang ibinigay na pagkakataon ng Pangulo upang makasali na sa mga kooperatiba at korporasyon.
“The LTFRB will adhere to President “Bongbong” Marcos’ directive to extend the consolidation of public utility vehicles (PUVs) until April 30, 2024. Operators and drivers are encouraged to take advantage of this opportunity provided by the President.”
Sa extension ng franchise consolidation, inaasahang madaragdagan pa ang nasa 145,721 units o 76% ng public utility vehicles at UV express sa bansa na una nang nakapag-consolidate bilang bahagi ng PUV Modernization Program. | ulat ni Merry Ann Bastasa