Hinihintay na ngayon ng Land Transportation Office ang desisyon ng Department of Transportation para sa posibilidad ng gov’t-to-gov’t procurement sa suplay ng license plastic cards.
Ayon kay LTO Chief Asec. Vigor Mendoza II, natapos na itong makipag-ugnayan sa government printing offices at humingi na rin ng formal quotation para sa inisyal na anim na milyong license cards.
Kabilang dito ang National Printing Office, APO at ang BSP.
Naisumite na aniya ito sa DOTr na siyang magsasapinal ng “agency-to-agency arrangement” sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement.
Paliwanag ni Mendoza, posibleng mas mabilis na proseso ang gov’t-to-gov’t procurement para masolusyunan ang isyu sa kakulangan ng license cards kumpara sa proseso ng paggamit ng mga donasyong lisensya.
Sa ngayon, nasa 270,000 na lang ang plastic cards na hawak ng LTO na posibleng tumagal hanggang katapusan ng Enero.
Nasa walong milyon naman ang inaasahang demand ng LTO sa lisensya ngayong 2024 kabilang ang 2.6 milyong backlog. | ulat ni Merry Ann Bastasa