Muling tiniyak ng iba’t ibang grupo ng transportasyon na tinaguriang Magnificent 7, ang kanilang suporta sa Public Utility Vehicle o PUV Modernization Program ng pamahalaan.
Ito’y kasunod ng paghahain ng mga grupong FEJODAP, PASANG-MASDA, ALTODAP, LTOP, Stop & Go Coalition at samahan ng mga UV Express driver/operator ng petisyon sa Korte Suprema para ibasura ang petisyon ng PISTON at MANIBELA kontra sa programa.
Nagpaabot naman ng kaniyang pasasalamat si Transportation Sec. Jaime Bautista sa suportang ibinibigay ng mga naturang grupo sa adikain ng pamahalaan na bigyan ng ligtas at kumportableng biyahe ang mga Pilipino.
Kasunod nito, sinabi ni Bautista na mananatiling bukas ang DOTr sa mga tsuper at operator na hindi pa nakapag-consolidate ng kanilang prangkisa upang hindi mabalam ang kanilang hanapbuhay.
Sa Enero 31 ang itinakdang deadline para sa consolidation ng mga prangkisa habang natapos na noon pang Disyembre 31 ng 2023 ang aplikasyon para rito. | ulat ni Jaymark Dagala