Para sa ilang senador, maaaring maglagak ng puhuhan ang Maharlika Investment Corporation sa transmission business o partikular sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Ayon kay Senate Ways and Means Committee Chairman Sherwin Gatchalian, napakaganda ng kita sa negosyong ito dahil monopolyo ang transmission business kaya magandang mag-invest dito ang MIC.
Pero dapat aniyang tiyakin munang matatapos na ang lahat ng delayed projects ng korporasyon.
Sinabi naman ni Senador Francis Tolentino na malaya ang MIC na maglagak ng puhunan sa transmission business at hindi naman kinakailangang sa NGCP.
Giniit rin ni Tolentino na kailangan munang tukuyin ang pananagutan ng NGCP sa mga nakalipas na power outages sa Western Visayas.
Pinaliwanag naman Senadora Imee Marcos na kung maglalagak ng puhunan ang MIC sa NGCP ay lilitaw na isa nang national development fund ang MIF na may sariling implikasyon sa fund return para sa mga namumuhunang Government Financial Institutions tulad ng Land Bank at Development Bank of the Philippines.| ulat ni Nimfa Asuncion