Kasunod ng unang pulong ng Maharlika Investment Corporation (MIC) noong nakaraang linggo ay muling ipinanawagan ni Bicol Saro party-list Representative Brian Yamsuan sa MIC na mamuhunan ito sa Bicol Express.
Aniya, malaking bagay ang pamumuhunan sa iconic Bicol Express sa pagbuhay ng rail industry ng bansa
Oras aniya na mapatakbo muli ang PNR-Bicol bilang isang moderno at world-class train system ay maikokonekta na ang mahahalagang economic hubs sa Luzon na magreresulta sa dagdag na trabaho at kabuhayan.
Tinukoy pa ni Yamsuan ang pag-aaral na ginawa ng World Bank kung saan nakasaad na mas energy efficient pa rin ang mga tren, at mas mababa ang emission kada pasahero at tonelada ng kalakal kumpara sa ibang mga sasakyan.
Sa naging pulong ng MIC, kabilang sa natalakay ang mga sektor kung saan sila maaaring mamuhunan kasama ang infrastructure; oil, gas, at power; agroforestry industrial urbanization; mineral processing; tourism; transportation; at aerospace and aviation.
Ang pagbuhay sa Bicol Express o South Long Haul Project ay isa sa infrastructure flagship projects ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“We cannot just start and end with the NSCR in implementing long-haul rail projects and leave the southernmost part of Luzon with a patched-up rail system. Reviving our rail industry should include reconstructing and modernizing Southeast Asia’s oldest train service, which is the Bicol Express,” sabi ni Yamsuan | ulat ni Kathleen Forbes