Sumampa na sa 44,888 pamilya o katumbas ng mahigit 187,000 indibidwal ang apektado ng sama ng panahon bunsod ng shearline sa Davao Region.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council, ang mga apektadong indibidwal ay mula sa 109 na barangay sa Davao de Oro, Davao del Norte, Davao Occidental at Davao Oriental.
Sa nasabing bilang, mahigit 6,000 katao ang nasa evacuation centers habang ang mahigit 2,000 indibidwal ay piniling makituloy muna sa kanilang mga kamag-anak o piniling manatili sa kani-kanilang tahanan.
Sa ngayon, nananatiling baha sa 34 na mga lugar sa Davao de Oro at Davao del Norte.
Nasa halos P3 milyong tulong naman ang naipamahagi ng pamahalaan sa mga apektadong indibidwal sa Davao de Oro, Davao Oriental at Davao del Norte. | ulat ni Leo Sarne