Patuloy na binabantayan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang galaw ng mga barko ng China na nakapaligid sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ang iniulat ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea, Commodore Roy Vincent Trinidad sa isinagawang pulong balitaan sa Kampo Aguinaldo ngayong araw.
Aniya, batay sa kanilang monitoring ay aabot sa 15 hanggang 25 barkong pandigma ng China ang paikot-ikot ngayon sa Mischief Reef na malapit sa Ayungin Shoal.
Bukod dito, aabot din aniya sa 200 Chinese militia vessels ang kanilang nakitang dumaraan sa nasabing bahura subalit patuloy aniya itong nagbabago dahil dumaraan lamang at hindi naman ito nagtatagal doon.
Habang aabot naman sa 10 hanggang 15 barko ng Chinese Coast Guard ang nakita nilang nagmamanman sa naturang karagatan. | ulat ni Jaymark Dagala