Patuloy ang pagbibigay ng mga kinakailangang tulong ng Department of Migrant Workers (DMW) sa 452 na mga overseas Filipino worker (OFW) na nawalan ng trabaho matapos na magsara ang construction company na pinapasukan sa Aukland, New Zealand.
Ayon kay Migrant Workers officer-in-charge Hans Leo Cacdac, una nang nabigyan ng tulong pinansyal ng Migrant Workers Office sa Wellington, Overseas Workers Welfare Administration, at Philippine Embassy ang nasa 130 na mga work visa employee ng nagsarang ELE Holdings Limited.
Habang 50 na dual citizens o ‘yung mga Pilipino na residente na roon na apektado ng pagsasara ng kumpanya ang tinulungan din ng Philippine Embassy.
Bukod dito ay inasistehan din ng DMW ang 14 na OFWs na nagtatrabaho sa naluging kompanya at kasalukuyang nakabakasyon sa Pilipinas, na ayusin ang kanilang mga naiwang obligasyon sa New Zealand.
Ibinahagi rin ni Cacdac na nag-organisa ng job fair ang isang non-governmental organization at ang Filipino community doon para makatulong sa mga kababayan natin na nawalan ng trabaho.
Nasa halos 100 na aplikante ang lumahok sa nasabing job fair kung saan nasa walong kompanya ang nagpahayag na kunin ang mga OFW. | ulat ni Diane Lear