Handa na ang puwersa ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA para umalalay sa iba pang ahensya ng Pamahalaan kaugnay ng nalalapit na Traslacion ng Itim na Nazareno sa susunod na linggo.
Ayon kay MMDA Acting Chairman, Atty. Don Artes, aabot sa 800 tauhan nila ang ipakakalat sa Lungsod ng Maynila para magmando ng trapiko at tumugon sa emergency.
Maliban sa kanilang Traffic and Emergency Assistance Group, magpapakalat din aniya sila ng mga Ambulansya, Road Emergency at Patrol Vehicles.
Dagdag pa ni Artes, naka-alerto na rin ang kanilang monitoring at command center para bantayan ang pinakahuling sitwasyon sa kasagsagan ng Traslacion.
Mula kahapon hanggang kaninang umaga, ini-ulat ni Artes na walang patid ang kanilang Sidewalk Clearing Operations at Special Operations Group – Strike Force sa paglilinis sa mga daraanan ng Traslacion. | ulat ni Jaymark Dagala