Mahigit sa P87 milyong halaga ng humanitarian assistance ang naipamahagi na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamilyang naapektuhan ng pag-ulan at pagbaha dulot ng shearline sa Southern Philippines.
Ayon kay Assistant Secretary for Strategic Communications Romel Lopez, mga pagkain at non-food items ang naipamahagi na ng DSWD sa Caraga at Davao Regions para sa mga apektadong pamilya.
May kabuuang 129,469 family food packs (FFPs) na ang naipamigay sa mga apektadong pamilya dulot ng shear line sa mga probinsya ng Davao de Oro, Davao del Norte, Davao Oriental, Davao Occidental, at Agusan del Sur.
Nakapagbigay rin ang ahensya ng hygiene kits, sleeping kits, family kits, modular tents, at mga non-food item sa affected families sa nasabing lalawigan.
Nito lamang Enero 30, nakapagtala ang ahensya ng 223,313 apektadong pamilya o 930,505 indibidwals mula sa iba’t ibang munisipalidad ng Northern Mindanao, Davao, at Caraga Regions.
Sa bilang na nabanggit, may 133 pamilya o 430 indibidwal ang pawang nawalan ng tirahan at kasalukuyang nanunuluyan sa iba’t ibang evacuation center habang ang iba naman ay nakikituloy sa kanilang mga kaanak. | ulat ni Rey Ferrer