Nangako si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na tututukan ang imbestigasyon sa napaulat na nagagamit ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program para sa mga politikal na interes.
Ayon sa kalihim, nakakaalarma ang naging pahayag kamakailan ng ilang mga witnesses sa pagdinig sa Senado na natatapyasan ang cash aid na ibinibigay sa ilang benepisyaryo dahil kinukuha umano ito ng ilang indibidwal.
“We welcome the initial findings of the committee of Senator Ronald “Bato” de la Rosa and the DSWD leadership vows to look into the leads that came out during the January 23 Senate hearing,” sabi ng kalihim.
Binigyang-diin ni Secretary Gatchalian na hindi pahihintulutan ng ahensya ang mga ganitong gawain lalo na kung ito ay may kinalaman sa cash assistance na ibinibigay para sa mga mahihirap na lubos na nangangailangan ng tulong.
Pagtitiyak nito, magsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang pamunuan ng ahensya upang matukoy ang responsable sa umano’y “ayuda scam”.
Kasabay nito, tiniyak din ng kalihim na pananagutin ang sinumang mapapatunayang sangkot dito.
“We assure our senators and congressmen that the DSWD will take appropriate and legal actions if and when we have found out that there are guilty personnel in the agency,”
Samantala, magsasagawa din ng malawakang information campaign ang DSWD sa mga payout areas upang mabigyan ng kaalaman ang mga beneficiaries na ang payout grants ay para lamang sa kanila at walang sinuman ang maaaring kumuha nito o humingi ng porsyento.
“The purpose of this campaign is to educate the beneficiaries that the payout grants belong solely to them, and that no one is permitted to take a cut or get a percentage after the payout has been made,” ayon kay DSWD Assistant Secretary for Strategic Communications Romel Lopez. | ulat ni Merry Ann Bastasa