Pinuri ni Quezon City Councilor Alfred Vargas ang bagong Executive Order ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na nagbibigay protection sa mga street children at street dwellers.
Ang polisiyang ito aniya ay konkretong halimbawa ng malasakit ng administrasyon sa mga mahihirap na mamamayan, at isang “pioneering social protection measure” na napapanahon sa kabila ng paglobo ng populasyon sa mga lungsod.
Kamakailan, nilagdaan ni Pangulong Marcos ang Executive Order No. 52, na nagpapalawak sa Pag-Abot Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Isang komprehensibong programa para alalayan sa buhay ang ilan sa mga pinakamahihirap na mga Pilipino.
Ayon sa nasabing kautusan, mabibigyan ng transitory shelter assistance, livelihood assistance, at employment assistance ang street dwellers na nakapaloob sa programa, bukod sa relocation o financial assistance ng DSWD.
Bilang dating Chairperson ng House Committee on Social Services sa Kongreso, pinuri rin ni Vargas ang whole-of-government approach ng programa para sa mga kabataan at pamilyang nakatira sa kalsada. | ulat ni Rey Ferrer