Tinukoy ni Iloilo 1st District Rep. Janette Garin na may ilang mga residente na sa kanilang probinsya ang nagkasakit dahil sa nangyaring blackout sa Panay Island.
Aniya, dahil sa init ay naapektuhan na rin ang kalusugan ng mga residente doon.
Sinabi pa ng mambabatas na kulang ang mga generation sets sa mga ospital para punan ang pangangailangan sa kuryente.
“Apektado rin naman [ng brownout] ang buong Pilipinas dahil lahat tayo nagcocontribute sa ekonomiya. Hindi lang ‘yan ang dami na rin pong nagkakasakit kasi sobrang mainit,” sinabi ni Garin sa panayam sa radyo.
Iginiit pa ng mambabatas mula sa Iloilo na nakakaapekto sa ekonomiya at kabuhayan ng mga mangingisda at output-based work force ang patuloy na pagkawala ng kuryente.
“Ang problema ‘yung iba hindi nakakapagnegosyo ay nawawalan ng kita. ‘Yung iba na output-based ang kanilang kita apektado. ‘Yung mga mangingisda naman ‘yung kanilang isda ay ibebenta na lang ng murang mura dahil wala kang ice [na paglalagyan ng isda],” ayon kay Garin, kung saan ipinunto rin niya na
Batay sa datos ng Local Economic Development and Investment Promotion Office (LEDIPO), aabot sa P400 milyon hanggang P500 milyon ang nawawalang kita kada araw dahil sa power interruptions, na umaabot sa P1.5 bilyon sa ikatlong araw ng blackout.
Nangako naman ang House Deputy Majority Leader na tutukuyin sa ikakasang pag-dinig ng Kamara ang mga responsable sa blackout at pananagutin.
“Dapat talaga imbestigahan kung bakit ito nangyayari at ‘yung imbestigasyon na ‘yun ay hindi lamang mahinto sa pagtatanong. Dapat malaman natin kung bakit nagkaganito. Sino ba ‘yung dapat managot,” ayon sa mambabatas.
Una nang sinabi ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr na ang NGCP ang may pananagutan sa nangyaring power outage.
Inatasan na rin ng Pangulo ang Energy Regulatory Commission na tapusin ang pag-reset sa rates ng NGCP upang masigurong tutupad ito sa obligasyon. | ulat ni Kathleen Forbes