Hinimok ni 4Ps party-list Representative JC Abalos ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), National Youth Commission (NYC), at iba pang ahensya ng pamahalaan na ayusin ang koordinasyon para sa mas maayos na implementasyon ng amyenda sa Sangguniang Kabataan (SK) Reform Act of 2015.
Ito ang nilalaman ng kaniyang House Resolution No. 1556.
Dahil sa naturang amyenda, kailangan na lahat ng appointed SK treasurers na sumailalim sa mandatory bookkeeping training mula sa TESDA, at makakuha ng National Certification Level III (NC III) bago maka-upo sa pwesto.
Ngunit dalawang buwan matapos maiproklama ang SK officials ay hindi pa rin sila nakakaupo dahil sa naturang probisyon.
“During consultations with SK officers from Sultan Kudarat and Eastern Samar, there are only few accredited TESDA training institutions that offer bookkeeping courses in geographically isolated and disadvantaged areas at duon pa lang, marami na sa mga bagong SK officers natin ang nalimitahan ang agarang pagganap sa kanilang trabaho.” sabi ni Abalos
Dahil naman dito ay hindi ma-access ng SK officers ang kanilang mga pondo para makapagsilbi sa kanilang constituents.
Kasama rin sa resolusyon ni Abalos ang pagsuri sa annual appropriations ng TESDA at paghahanap ng alternatibong pondo para sa training cost.
Tinatayang mangangailangan ng dagdag na P650 million para maipatupad ang NC III training program sa may 42,000 SK treasurers sa buong bansa. | ulat ni Kathleen Forbes