Nanawagan si Senior Citizen Partylist Representative Rodolfo Ordanes na unahing tutukan ang food inflation at paglikha ng trabaho.
Batay na rin ito sa resulta ng OCTA Research survey kung saan lumalabas na pangunahing concern o isyung mahalaga sa taumbayan ang food inflation.
Sabi ni Ordanes bagamat karamihan sa senior citizen ay hindi na nagtatrabaho, ay naka-asa naman sila sa suporta ng anak o kaanak.
Kaya mahalaga aniya na may sapat na trabaho at abot-kayang presyo ng pagkain para sa kanilang pamilya.
“Ensuring job stability will likewise be a continuing lifeline to us Senior Citizens through our children,” sabi ni Ordanes.
Pagdating naman sa usapin ng kuryente, ipinunto nito ang kahalagahan ng power sector sa pag-unlad.
Kaya aniya imbes na gipitin ay paghusayin ang mga hamong kinakaharap nito.
“As far as power is concerned we look at the stability of this sector as a catalyst for growth thus demonizing this sector only adds to more problems instead of creating needed solutions,” punto ng mambabatas.
Sa naturang survey nasa huling bahagi lamang ang isyu sa halaga ng kuryente.
Bagay na ayon sa ekonomistang si Bienvenido Oplas Jr., ay dapat samantalahin ng administrasyong Marcos Jr.
Ngayon aniya ang pinaka-akmang panahon para manghikayat ng investors sa transmission at distribution.
“It is high time for the BBM administration to put its focus on enticing more investments and encouraging the big ticket players to continue investing not only in generation but transmission and distribution as well… government particularly congress should focus on expanding power supply, not price control or price investigations or franchise harassment,” ani Oplas. | ulat ni Kathleen Jean Forbes