Binilinan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Benjamin Acorda Jr. ang mga heneral ng PNP na manatiling tapat sa Konstitusyon at laging itaguyod ang Rule of Law.
Ito ang mensahe ng PNP Chief sa mga opisyal ng PNP directorial staff, regional, provincial, at city directors, at head ng mga support unit, na dumalo sa tradisyonal na New Year’s Call sa Camp Crame kahapon.
Kasabay nito pinasalamatan ng PNP Chief ang mga opisyal sa kanilang suporta at inengganyo ang mga ito na maging matatag sa harap ng lahat ng hamong kinakaharap ng Pambanbansang Pulisya.
Una na ring sinabi ng PNP Chief na hindi niya nakikita ang pangangailangan na magsagawa ng loyalty check sa hanay ng PNP dahil nanatili ang buong suporta ng PNP sa liderato ng Pangulo.
Ito’y matapos na idawit ang ilang mga matataas na opisyal ng pulis at militar, kabilang ang mismong PNP Chief, sa pekeng balita tungkol sa umano’y destabilization plot laban sa pamahalaan. | ulat ni Leo Sarne