Ligtas na nakabalik sa Bataraza, Palawan ang isang mangingisda na walong araw na nawala sa West Philippine Sea.
Sa ulat ni Naval Forces West (NFW) Commander, Commodore Alan Javier, ang nawawalang mangingisda na si Rosalon Frans Cayon ay natagpuan ng mga Chinese fishermen na nakakapit sa isang makeshift raft sa bisinidad ng Rizal Reef sa West Philippine Sea noong Disyembre 31.
Dinala si Cayon sa Rizal Reef Detachment ng Philippine Navy kung saan binigyan ito ng medikal na atensyon sa pamamagitan ng telemedicine.
Sinundo naman ng BRP Carba ng Philippine Coast Guard si Cayon mula sa Rizal Reef Detachment nitong Martes, at dinala sa Buliluyan Pier, Bataraza, Palawan.
Mula doon ay tumulong ang lokal na pamahalaan ng Bataraza para makauwi si Cayon sa bahay ng kanyang employer sa Brgy. Rio Tuba.
Ayon kay Commodore Javier, ang pagkakaligtas kay Cayon ay testamento ng pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalan para pangalagaan ang mga mangingisda sa West Philippine sea. | ulat ni Leo Sarne
📷: NFW PAO