Sinisiguro ng Manila Water na patuloy itong nakakasunod sa water quality standards na itinakda ng pamahalaan.
Partikular na sa Philippine National Standards for Drinking Water (PNSDW) ng Department of Health (DOH).
Ayon kay Jeric Sevilla, Manila Water Corporate Communication Affairs Group Director, tuloy-tuloy na naipapasa ng kumpanya ang water quality tests sa iba’t ibang regulatory sampling points, na may kabuuang 78,523 test mula Enero hanggang Nobyembre 2023.
Ang pagsunod sa PNSDW ay nangangahulugan na ang supply ng tubig ay 100% ligtas mula sa thermotolerant coliforms, mga organic at inorganic chemical at contaminant.
Ipinangako pa ng Manila Water ang patuloy na pagbibigay ng accurate at reliable na water quality tests.
Para sa Nobyembre 2023, nakamit ng Manila Water Laboratory Services (MWLS) ang compliance rate na 113.69% sa pamamagitan ng pagsasagawa ng 6,709 water sampling test.
Nalampasan nito ang 5,901 tests na kinakailangan ng DOH para matiyak na malinis at maiinom ang tubig na ibinibigay sa mga customer.| ulat ni Rey Ferrer