Kasalukuyang binabago ng Department of National Defense (DND) ang kanilang mga proseso upang maging mas mahigpit ang “operational security” at “cyber-security” sa larangang pandepensa.
Ito ang inihayag ni DND Secretary Gilbert Teodoro sa kumperensyang pinamagatang “Fortifying Cyber Cooperation Towards Digital Security,” na inorganisa ng Stratbase ADR Institute at Embassy of Canada sa Manila Polo Club ngayong araw.
Ayon kay Sec. Teodoro, ang operational Security ay nagsisimula individual security, facility security, hanggang sa “digital hygiene”, at seguridad ng arkitektura na gagamitin sa mga computer system, kaya maraming kailangang gawing pagbabago ang DND.
Kailangan din aniyang magkaroon ng “redundancy” sa supply ng mga mahahalagang kagamitan, na kontra sa kasalukuyang “just in time inventory system” na itinatakda ng pamahalaan.
Sinabi ni Teodoro na inaasahan niya na makakatulong ang mga “like-minded partners” tulad ng Canada sa pangmatagalang kooperasyon sa layuning ito.| ulat ni Leo Sarne