Pinayuhan ni AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee ang Department of Agriculture (DA) na maghigpit pa sa pagbabantay ng suplay ng mga produktong agrikultural upang maiwasan ang hindi makatwirang pagtaas sa presyo nito sa merkado.
Tinukoy ni Lee ang kautusan ni Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel na suspindihin ang pag-aangkat ng sibuyas dahil bumabagsak na ang farmgate price nito at nagresulta sa pagkalugi ng mga magsasaka ng sibuyas.
Batay sa datos ng DA, bumaba na sa ₱50 hanggang ₱70 ang kada kilo ng sibuyas dahil sa saganang suplay at posibleng bumaba pa sa mga susunod na buwan.
“…paigtingin pa sana ng gobyerno ang supply monitoring para maiwasan ang mga ganitong sitwasyon. Isipin niyo, ang DA na mismo ang nagsabi na sa ibang mga lugar sa Nueva Ecija, bumagsak na sa ₱20 kada kilo ang presyo ng sibuyas. Let us not wait for our farmers to throw away their harvest to cut their losses because it would be cheaper for them to do so,” sabi ni Lee.
Paalala pa ng mambabatas na higit na kailangan ang monitoring dahil sa El Niño.
Punto ng kinatawan, baka nasa kasagsagan na tayo ng tagtuyot ay saka pa lang matutukoy na kailangan pala mag-angkat.
“Tulungan natin ang ating mga magsasaka na matiyak at madagdagan ang kanilang kita, para matustusan ang kanilang mga pangangailangan, at mabawasan ang pangamba na wala silang panggastos sa oras na may magkasakit sa pamilya,” sabi pa ni Lee. | ulat ni Kathleen Forbes