Nais ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Senador Sherwin Gatchalian na magkaroon ng mas malalim pang pag-aaral tungkol sa magiging epekto ng panukalang Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act (PIFITA).
Hiniling ni Gatchalian sa Department of Finance (DOF) at National Economic Development Authority (NEDA) na detalyadong saliksikin ang magiging epekto ng PIFITA sa bansa.
Paliwanag ng senador, nais niyang maipaunawa sa taumbayan ang kahalagahan ng PIFITA bill para sa ekonomiya ng bansa.
Nauna nang sinabi ng DOF na ang pagsasabatas ng PIFITA ay maaaring magpababa sa revenue collection ng bansa mula 2025 hanggang 2029.
Kaya naman giniit ni Gatchalian na dahil sa inaasahang kabawasan sa makokolektang buwis ay mahalagang maunawaan kung paano makikinabang sa naturang panukala ang bansa, kabilang na ang mga mamumuhunan.
Babawasan ng panukalang PIFITA ang halaga ng pagpapataas ng kapital at utang sa pamamagitan ng pagbabawas ng bilang ng mga tax base ng buwis at mga rate na naaangkop sa passive income, financial intermediaries, at financial transactions.
Kung magiging batas, gagawing patas ng panukalang PIFITA ang playing field sa pamamagitan ng mas mahusay na pricing information at magbibigay-daan sa bansa na maging mas competitive sa rehiyon ng ASEAN.| ulat ni Nimfa Asuncion