Ilang tugon ang inilatag ng Department of Energy upang masiguro na hindi na maulit ang malawakang kawalan ng kuryente sa Panay Island lalo na sa susunod na tatlong buwan.
Sa imbestigasyon ng House Committee on Energy sa Panay Island blackout, sinabi ni DOE Undersecretary Rowena Guevarra na mahalagang makapaglatag ng agarang solusyon para matiyak ang katatagan ng suplay ng kuryente sa Panay habang tinatapos ang Cebu-Negros Panay backbone project.
Isa na rito ang paglilinaw sa susunding protocol ng NGCP pagdating sa emergency situation ng mga planta.
Batay kasi sa Philippine Grid Code, obligasyon ng NGCP na abisuhan ang ERC kapag may malakihang insidente.
Ngunit hindi ito nagawa ng NGCP dahil para sa kanilang pagtaya, kahit pumalya ang Panay Energy Development Corporation o PEDC Unit 1 ay normal pa rin ang voltage at frequency nito.
“As mentioned by NGCP, we need to enhance the SO protocol for supply-demand balance and triggers for emergency situation. Linawin talaga natin kailan ba emergency na.” pagbabahagi ng opisyal.
Kasabay nito sinabi ni Guevarra na sa Enero 26 ay maaari nang kunin ng Panay sa reserve market ang kakulangan nila sa ancillary reserve.
“Until CNP3 is up and running, there is still a danger that that same situation will happen to Panay. So our recommendation is the full implementation of the reserve market. Yung kakulangan nila ng ancilliary services, by January 26 of this year pwede na nilang kunin sa reserve market.”, ani Guevarra.
Palalakasin din aniya nila ang capacity market ng Panay at Negros.
Mungkahi rin ng DOE na maglagay ng headroom sa generating capacity.
“Consideder having a headroom for Panay Generators. Imbes na 100% sila mag-operate, ibaba natin sa 85% para pagka biglang may bumagsak na planta may sasagot pa rin na kaunting capacity.”, sabi pa ng Energy undersecretary.
Ngunit pinakamahalaga pa rin ani Guevarra na matapos on time ang CNP 3 project. | ulat ni Kathleen Jean Forbes