Positibo si House Committee on Metro Manila Development Vice-Chair Marvin Rillo na mas darami pa ang bicycle lanes sa buong bansa kasunod ng pagdoble sa pondo ng Active Transport and Safe Pathways Program (ATSPP).
Sa kasalukuyan, nakapaglatag na ng 564 na kilometro ng bicycle lanes sa Metro Manila, Metro Cebu, at Metro Davao sa ilalim ng programa.
Nasa 2,400 kilometro ng bike lanes naman ang target ipatupad ng Department of Transportation hanggang 2028.
Kaya malaking bagay ani Rillo na sa ilalim ng 2024 National Budget ay napaglaanan ang programa ng ₱1-billion mula sa orihinal na proposal na ₱500-million.
Pagtiyak pa nito na ang separators na gagamitin sa paghihiwalay ng bike lane ay dekalidad na materyal upang matiyak ang kaligtasan ng mga nag bibisikleta.
Patuloy din aniya nilang isusulong ang pagbibisikleta bilang alternatibong transportasyon at uoang makabawas sa masamang epekto ng motor vehicle emissions.
“In the 2024 General Appropriations Law, we bumped up to ₱1-billion the budget for bicycle lanes with durable physical separation from mixed traffic lanes. This is our way of reassuring Filipinos that cycling is a sustainable alternative mode of mobility,” sabi ni Rillo. | ulat ni Kathleen Jean Forbes