Ibinahagi ng Department of Tourism (DOT) ang mga naging epekto ng Administrasyong Marcos para sa turismo ng bansa sa mga nagdaang taon partikular na ang mga naging pangunahin nitong mga tagumpay sa ilalim ng pamumuno ni Sec. Christina Garcia Frasco.
Ilan sa mga ito ay ang mga flagship projects and programs kung saan nakapagtayo ito ng mga Tourist Rest Areas, 10 ay natapos na nang 2023, at may 20 pang inaasahan para sa taong ito.
Gayundin ang pagtatatag ng mga tourism road infrastructure at pagsasagawa ng Philippine Experience Caravans na naglalayong mapabuti ang mga cultural tourism circuits para mga kilala at emerging destinations ng bansa. Pati na rin ang pagpapabuti sa mga airports sa pamamagitan ng airport enhancement program ng kagawaran katuwang ang Department of Transportation (DOTr).
Ayon din sa DOT, nag-ambag din sa komportableng karanasan ng mga bumibisita ng bansa ang mga ni-launch nitong Travel Philippines App at ang Tourist Assistance Call Center na nagbibigay prayoridad sa mga turista.
Binigyang-diin din ng DOT ang milyon-milyong Pilipino na nakahanap ng trabaho sa lumalagong sektor ng turismo ng Pilipinas.
Ang DOT ay aktibo ring nakikilahok sa isinasagawang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa buong bansa kung saan alok nito ang mga serbisyo tulad ng Tourism Enterprises Accreditation Assistance at pag-promote ng mga programa nito gaya ng Bisista Be My Guest at DOT Training Programs. | ulat ni EJ Lazaro