Sa gitna ng pagbaba ng COVID cases sa National Capital Region (NCR), tumataas naman ang kaso ng COVID-19 na naitatala sa ilang lalawigan kabilang ang Camarines Sur at Aklan.
Ayon sa OCTA Research Group, umakyat sa kategoryang “very high” ang 7-day positivity rate o bilang ng mga nagpopositibo mula sa mga na-test para sa COVID-19 sa naturang lalawigan.
Sa datos na inilabas ni OCTA Research Fellow Dr. Guido David, as of January 6 ay umakyat sa 66.2% ang positivity rate sa CamSur mula sa 59.4% noong nakaraang linggo.
Maging ang lalawigan ng Aklan ay nakapagtala rin ng 77.8% na positivity rate.
Batay pa sa datos ng OCTA, mataas rin at tumataas pa ang positivity rate sa mga lalawigan ng Benguet, Bulacan, Isabela, Palawan, at Tarlac.
Ganito rin ang naobserbahan sa Agusan del Norte, Cebu, Misamis Oriental, South Cotabato, at Zamboanga del Sur.
Samantala, bumaba pa sa 17.9% ang positivity rate sa Metro Manila kumpara sa nakalipas na linggo. | ulat ni Merry Ann Bastasa