Pinaaayos ni House Deputy Majority Leader Janette Garin ang membership application ng Philhealth.
Diin ni Garin, dapat ay kada indibidwal ang membership sa Philhealth at hindi kada pamilya.
Paliwanag nito na dapat ay pagkapanganak pa lang ng isang bata ay awtomatiko na itong maging miyembro ng Philhealth.
Punto niya, pagdating ng 18 years old ng isang dependent ay maaalis na ito sa pagiging miyembro ng Philhealth batay sa kasalukuyang panuntunan.
Kaya naman kung magkaanak ito, ay hindi rin masasakop ng Philhealth ang kaniyang anak kung magkasakit.
Dapat din aniya na kapag namatay na ang Philhealth member ay alisin din ito agad sa listahan.
“We should have individual membership, hindi siya per family… ‘Yung isang bata kunyari anak ko by virtue of being dependent pagdating niya ng 18 years old hindi na siya miyembro. ‘Pag nagkaanak ‘yan at nanganak siya, hindi siya miyembro ng PhilHealth, at ‘yung anak naman niya, hindi rin maco-cover kapag nagkasakit.” paliwanag ni Garin.
Ang pahayag ni Garin ay kasunod ng anunsyo ng state health insurer na magkakaroon ng 5% increase sa premium sa kanilang premium contribution.
Sabi pa ng lady solon na dapat ay iakma ng Philhealth ang ibinibigay nitong serbisyo sa rate increase na kanilang ipatutupad.
Sa ngayon ay inaaral na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang apela ni Health Secretary Ted Herbosa na suspindihin muna ang pagpapatupad ng naturang taas-singil sa kontribusyon ng Philhealth ngayong taon. | ulat ni Kathleen Forbes