Nilinaw ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na walang access ang mga local chief executives pagdating sa National Drug Watch List.
Ginawa ng PDEA ang pahayag kasunod ng sinabi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban kay President Ferdinand R. Marcos Jr. tungkol sa pagkakasangkot umano ng Pangulo sa drug watch list ng PDEA na ipinakita raw mismo sa kanya noong siya ay alkalde pa sa Davao City.
Ayon kay PDEA Spokesperson Derrick Carreon, limitado lamang ang access ng mga alkalde sa listahan ng drug personalities na nasa kanilang nasasakupan.
Dahil dito, malabo aniyang makita ng sinumang nasa LGU ang listahan na nasa labas na ng kanyang nasasakupan.
Una nang iginiit ng PDEA na kailanman ay hindi napabilang ang pangalan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa anumang listahan o watch list ng PDEA mula nang ito ay mabuo noong taong 2002.
Dagdag pa nito, walang bahid ng anumang pabor ang kanilang pahayag sa PDEA dahil nakabase ito sa hawak nilang datos. | ulat ni Merry Ann Bastasa