Umabot na sa 552 pamilya o 2,212 indibidwal ang apektado ng malakas na pag-ulan na dulot ng shearline sa Davao region.
Batay sa huling ulat na inilabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong umaga, ang mga apektado ay mula sa 14 na barangay sa Davao de Oro, Davao Occidental, at Davao Oriental.
Pinakamarami sa mga apektado ay mula sa Davao de Oro, kung saan 336 na pamilya o 1,332 indibidwal ang inilikas sa evacuation centers.
Habang 110 pamilya o 468 na indibidwal naman ang nasa evacuation centers sa Davao Oriental.
Samantala, hindi pa rin madaanan ang ilang daan at tulay dahil sa pagbaha partikular sa Davao de Oro.
Bilang tulong, mayroon nang mahigit 325,000 family food packs at 14,000 kilo ng bigas ang naipamahagi ng pamahalaan sa mga pamilyang apektado ng masamang panahon. | ulat ni Leo Sarne