Asahan na sa mga susunod na buwan ang mas maraming loan facility program ng PAG-IBIG Fund na layong padaliin ang access ng mga miyembro nito sa emergency loan.
Una dito, ayon kay PAG-IBIG Deputy Chief Executive Officer Alexander Aguilar ay ang quick loan.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ng opisyal na layon ng pasilidad na ito ay mabigyan ng mabilis na access ang mga miyembro ng PAG-IBIG Fund sa short term loan.
Sa pamamagitan ng mobile phones, maaari nang makahiram ng P5,000, P10,000, o 15,000 ang mga miyembro, at makalipas ang isang oras, maipapadala na ito sa kanilang cash cards o GCash.
Pinag-aaralan na rin aniya nila ang paggulong ng health at education loan program, kung saan magagamit ng mga miyembro ang kanilang ipon pambayad ng tuition fee o emergency medical needs.
Pagsisiguro ng opisyal, mayroong safeguards ang mga programang ito, upang makaiwas sa scam.
“Unang-una, ito ay para lamang sa mga miyembro natin so nasa atin po ang database ng ating mga miyembro, ang kanilang mga information na kinakailangan natin katulad ng mga cellphone numbers, email addresses at mayroon po tayong biometrics. So, sa pamamagitan po nitong mga data na nasa atin ay maiiwasan po natin na ma-scam po iyong ating programa.” — Aguilar. | ulat ni Racquel Bayan