Inspirasyon ng lokal na pamahalaan sa bayan ng Polangui Albay ang “Love the Philippines” logo ng Department of Tourism sa kanilang isinusulong na business at tricycle license plates.
Ayon kay Polangui Mayor Raymond Adrian Salceda, ang nasabing programa ay paraan at inisyatibo ng kanilang lokal na pamahalaan para sa pagsuporta sa kampanya ng Department of Tourism. Gayundin, upang ma-promote ang mga ipinagmamalaki ng bayan ng Polangui pagdating sa turismo.
Dagdag pa ng alkalde, mahalaga aniya ang papel ng business at transport sector sa turismo dahil ito ang nagdadala sa mga atraksyon at kultura mayroon ang isang lugar.
Disenyo ni Ivan Ian Baria ang mga plaka at lisensya bitbit ang siyam (9) na pixels o mga ipinagmamalaki ng Polangui Albay. Kabilang rito ang Pulang-Angui na siyang alamat sa pinagmulan ng bayan, Tabyos o Mistichtys luzonensis bilang smallest commercial fish na matatagpuan sa nasabing bayan.
Gayundin ang tahanan ng mga isda na Danao lake. Kasama rin ang Tubo na isa sa mga pangunahing sangkap sa pagggawa ng mga ipinagmamalaking produkto at iba pang atraksyong mayroon lamang ang bayan ng Polangui. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay
Photo: Ivan Ian Baria