Magpapatupad ng iba’t ibang hakbang ang pamahalaan upang mapataas ang ranking ng Pilipinas sa Program for International Students Assessment (PISA) upang mapataas ang proficiency ng mga Pilipinong mag-aaral.
Ito ayon kay DepEd Usec. Michael Poa ay makaraang lumabas sa pag-aaral na 75% ng mga 15 taong gulang na estudyante, ang nakakuha ng score na below minimum level ng proficiency sa siyensya, pagbasa, at matimatika.
Sa sectoral briefing sa Malacañang, inatasan ni PBBM ang DepEd na tutukan ang training ng mga guro.
“That’s why ngayon, sa DepEd, mayroon naman tayo, iyong ating NEAP. Iyong National Educators Academy of the Philippines which is the training arm of DepEd pagdating sa ating mga teachers. So ang sabi ng ating Pangulo, we really need to update our teachers sa technology. We need to ensure that they have the proper training programs and they have the proper expertise para po magampanan talaga nila iyong kanilang trabaho.” — Usec Poa.
Naniniwala ang Pangulo na kung matatanggap ng mga guro ang angkop na training, tataas sa 60% ang improvement na maitatala ng pamahalaan.
Tututukan rin ang mga national learning camp, Catch-up Friday na magsisimula sa January 12.
“Number one, teaching quality, gusto niyang magkaroon talaga ng expertise iyong ating mga teachers, so he emphasized on the necessity of proper training programs for our teachers, of course, hand-in-hand with teacher’s welfare.” — Usec Poa.
Tututukan rin ang usapin sa bullying.
“Na-discuss nga po kanina na kung dati ang bullying stays in school, sa ngayon, because of social media, even when you leave school, puwede pa ring magkaroon ng mga incidence of bullying through the different social media platforms.” — Usec Poa.
Bukod dito, pinatutukan rin ng Pangulo ang natatanggap na nutrisyon ng mga bata.
“Pangalawa po diyan, iyong nutrition aspect dahil alam naman natin na nakakaapekto talaga ang nutrition pagdating sa performance ng ating mga kabataan that’s why we looked at different feeding programs of government kasama na siyempre iyong ating school-based feeding program.” — Usec Poa. | ulat ni Racquel Bayan