Umapela ang isang senior lawmaker na huwag nang isama sa mga irerekomendang maging opisyal ng pamahalaan ang mga indibidwal na may kinahaharap na kaso.
Kasunod ito ng desisyon ng Ombudsman na sibakin sa pwesto ang isang CHED Commissioner dahil sa grave misconduct.
Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, hindi na dapat paabutin pa ng screening committee na mapahiya ang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga irerekomenda nilang iupo sa pwesto.
Inilabas ng Ombudsman ang desisyon nito para alisin sa pwesto si CHED Commissioner Jo Mark Libre dahil sa nepotismo at grave misconduct.
Ang naturang mga kaso ay inihain laban kay Libre bago pa man siya maitalaga bilang commissioner.
“The charges have been filed way before Libre was appointed Commissioner. The screening group clearly failed in the vetting process. In this light, i appeal to the current screening group not to make the mistake of embarrassing the President by recommending appointments of people facing serious charges. Though the presumption of innocence may apply, it will not harm us if we take precautions until such charges have been resolved,” sabi ni Barbers.
Nanawagan din ang mambabatas sa CHED na ang mga commissioner na may pending na kaso ay hindi dapat italaga bilang Chair sa mga SUC board.
Kung wala aniyang delicadeza ang mga ito para magbitiw ay hindi na sila aniya dapat bigyan pa ng kapangyarihan at impluwensya sa mga SUC. | ulat ni Kathleen Forbes