Tiniyak ng DOTR-Office of Transportation Cooperatives (OTC) na aalalayan ang mga jeepney driver na ang operator ay hindi sumali sa industry consolidation sa PUV modernization program.
Ayon kay OTC Chair Jesus Ferdinand Ortega, matapos ang deadline ng consolidation, nakatutok naman sila ngayon sa mga maaapektuhang driver na nakasalalay sa kanilang mga operator.
Aniya, nakausap na nito ang ilang mga transport cooperative at korporasyon na sinigurong tutulungan ang mga tsuper para hindi mawalan ng hanapbuhay.
Kaugnay nito, handa rin ang mga consolidated transport cooperative na saluhin ang mga rutang kukulangin ng bibyaheng PUJ units sa mga susunod na buwan.
Ito ay para masiguro aniyang magkakaroon pa rin ng sapat na transportasyon sa isang ruta at hindi naman mahihirapan ang mga pasahero.
Sa ngayon, patuloy na isinasapinal ng LTFRB ang listahan ng mga operator na humabol sa deadline ng consolidation hanggang noong Dec. 31, 2023.
Batay sa inisyal na datos ng LTFRB, nasa 76% o higit sa 145,000 units na ang consolidated sa buong bansa.
Mula sa bilang na ito, 73.96% ang PUJs o higit 111,581 units.
Dito sa Metro Manila, aabot na rin sa 52.54% ang kabuuang bilang ng consolidated kung saan 51.34% ang mga pampasaherong jeepney. | ulat ni Merry Ann Bastasa