Tiniyak ng pamahalaan na mapupunan ang mababakanteng ruta ng mga jeepney na hindi naman nagpasailalim sa PUV Modernization Program.
Ito ang inihayag ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) NCR Regional Director, Atty. Zona Russet Tamayo kasunod ng napipintong deadline para sa franchise consolidation sa January 31 ng taong ito
Ayon kay Tamayo, tumaas pa ng anim na porsyento ang bilang ng mga na-consolidate nang mga prangkisa ng PUV mula sa dating 70 porsyento at umaasa silang tataas pa ito.
Maliban diyan, may mga alternatibong mass transport ding maaaring sakyan ng mga pasahero gaya ng mga tren at ferry partikular na sa Metro Manila.
Una nang nababala si Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Vigor Mendoza II na ituturing na nilang mga kolorum ang mga unconsolidated jeepney pagsapit naman ng February 1 kung patuloy pa rin silang mamamasada.
Pero sa kaniyang panig, sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na mananatiling bukas ang kanilang tanggapan para sa diyalogo. | ulat ni Jaymark Dagala