Nababahala ang mga mambabatas sa mangyayari sa mga tsuper na hindi na makakapasada pagkatapos ng January 31 na siyang deadline para sumama sa kooperatiba.
Sa pagdinig ng House Committee on Transportation patungkol sa napaulat na katiwalian sa PUB Modernization Program, sinabi ni LTFRB Chair Teofilo Guadiz na may 24% pa na hindi sumasali sa consolidation o katumbas ng 38,000 drivers.
Tanong ngayon ng mga mambabatas ano ang mangyayari sa kanila kung pumasada matapos ang January 31.
Tugon ni Guadiz, dahil sa wala nang mga prangkisa ang mga jeepney driver na ito ay ituturing silang colorum at huhulihin.
Dito naman ipinaalala ni Antipolo Rep. Romeo Acop, Chair ng komite ang punto ni Speaker Martin Romualdez na unahin ang kapakanan ng mga tsuper.
Umaasa naman si Deputy Minority leader France Castro na irerekonsidera ito ng Marcos Jr. Administration.
Pagsiguro naman ni Guadiz, na para sa mga hindi na mamasada ay mayroon silang mga programa para sa bagong kabuhayan.
Maliban dito, nakatutok din ang DOTR-Office of Transportation Cooperatives sa pagtulong sa mga tsuper na makapasok sa mga kooperatiba o korporasyon. | ulat ni Kathleen Forbes