Nakatakda nang ipamahagi ang 2,005 family food packs sa mga pamilyang naapektuhan ng pagbitak ng lupa sa ginagawang Metro Cebu Expressway sa Naga City sa lalawigan ng Cebu.
Sa ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Region 7, nasa 2,121 na mga pamilya o katumbas ng 7,716 na indibidwal ang naapektuhan ng insidente ng tension crack.
Sa nasabing bilang, nasa 61 pamilya o 232 na mga indibidwal ang nanatili sa mga evacuation center doon.
Ayon kay DSWD Field Office 7 Director Shalaine Marie Lucero, naipadala na nito ang mahigit dalawang libong food packs noong Enero 11 at sisimulang maipamahagi sa Miyerkules Enero 17.
Batay sa ulat, naobserbahan ang paglitaw ng mga bitak o tension cracks noong nakaraang Setyembre sa Purok 1, Riverside, Barangay Cantao-an habang ginagawa ang konstruksyon ng Metro Cebu Expressway. | ulat ni Rey Ferrer