Agad na nagpadala ng tulong ang Malabon local government sa pangunguna ni Mayor Jeannie Sandoval sa mga pamilyang nasunugan sa Brgy. Panghulo nitong bisperas ng Bagong Taon at sa Brgy. Potrero noong unang araw ng 2024.
Inatasan na ng alkalde ang City Social Welfare and Development Department (CSWDD) at Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) na tugunan ang pangangailangan ng mga pamilyang nabiktima ng sunog.
Kabilang sa agad na naipaabot ng LGU ang modular tents at mainit na pagkain sa mga evacuees.
Nagbigay rin first aid o paunang lunas para sa mga nagtamo ng sugat at minor burns.
Ang Sanitation Division Office naman ay namahagi ng Aquatabs (water purifying tablets) para sa malinis na inumin ng mga evacuees, at may itinalagang lugar para sa mga alagang hayop.
Sa huling tala ng City Social Welfare and Development Department (CSWDD), nananatili ang mga apektadong pamilya sa Senior Citizen and Daycare Center ng Brgy. Panghulo.
Kasunod nito, tiniyak naman ng pamahalaang lungsod ang patuloy na paghahatid ng tulong sa mga apektadong pamilya upang tiyakin ang kanilang kaligtasan at kaayusan habang nananatili sa evacuation center. | ulat ni Merry Ann Bastasa