Nagpaabiso ang Energy Regulatory Commission (ERC) sa publiko na hindi na makatatanggap ng subsidiya mula sa pamahalaan ang mga dating benepisyaryo na naalis na sa listahan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Ito, ayon sa ERC, ay kasunod ng ganap na pagpapatupad ng bagong Lifeline Rate Program ng ahensya para sa taong 2024 salig sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng batas na sumasaklaw dito.
Nakasaad kasi sa Rule 8, Section 3 ng IRR ng Lifeline Rate Act, na kailangang abisuhan ng mga Distributor Utility ang lahat ng mga napasama sa delisting sa 4Ps na hindi na rin sila maaari pang makatanggap ng subsidiya, dalawang buwan matapos silang mawala sa listahan ng mga benepisyaryo.
Kailangan ding tugma ito sa listahan ng 4Ps beneficaries na magmumula naman sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Magugunitang inilarga ang naturang programa na layuning tulungan ang mga mahihirap na Pilipino na hindi makabayad ng kuryente sa tamang oras at para magamit ang maliit nilang kita para sa pang araw-araw na gastusin. | ulat ni Jaymark Dagala