Tinutulungan na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga overseas Filipino workers (OFW) na nawalan ng trabaho sa New Zealand.
Ayon kay DMW Undersecretary for Policy and International Cooperation Patricia Yvonne Caunan, mula sa
kabuuang 524 OFW na nawalan ng trabaho, 107 dito ay nabigyan na ng tig-1,050 NZD o P36,570.
Nasa 72 pa ang nakatakda pang pagkalooban ng tulong pinansyal habang 345 ang sasailalim pa sa proseso.
Nilinaw pa ni Usec. Caunan hindi kasama sa kanilang binibigyan ng tulong ang 100 Pinoy na residente na sa nasabing bansa at hindi OFW.
Ang mga OFW ay nawalan ng trabaho matapos magsara ang kumpanya na kanilang pinapasukan dahil nagdeklara ng bankruptcy.
Kaugnay nito sinisikap ng departamento na hanapan ng ibang trabaho ang mga OFW. Katunayan, may ilang employer ang naghayag na ng interes na kunin ang mga OFW. | ulat ni Rey Ferrer