Maaari nang mapanood sa government TV network na PTV-4 ang mga kaganapan sa Kamara.
Sa isang panayam sinabi ni House Majority Leader for Communications at ACT-CIS Party-list Representative Erwin Tulfo na pinaplantsa na ng House of Representatives at PTV ang pag-ere ng Congress TV.
Aniya, hango ito sa Cable-Satellite Public Affairs Network o C-SPAN ng Estados Unidos kung saan makikita ang mga aktibidad sa Kamara.
“Basically ito yung coverage ng PTV na ieere sa isang channel ng PTV sa lahat ng activities ng Congress especially sa mga hearings sa mga everyday activities natin pati mga committee hearings in the morning at tsaka yung mga sessions. Kinopya ito doon sa US na C-SPAN na kapag naghi-hearing, diskusyon,” paliwanag ni Tulfo.
Aniya sa ngayon ay ginagawa na ito ng Kamara kung saan naka-livestream sa Facebook page ang mga committee hearings at sesyon.
Ngunit batid din aniya nila na hindi lahat ay may social media o internet kaya’t ang pag-ere sa telebisyon ay paraan para maipaalam sa publiko ang ginagawang mga trabaho sa Kamara.
“Hindi naman lahat ng tao merong hawak na cellphone o may internet, yung mga old school yung mga matatanda sa bahay na lang so they can watch what we are doing here, what’s happening in Congress at this very hour,” dagdag ng mambabatas.
Umaasa naman si Tulfo na masimulan ang Congress TV sa January 22 na siya ring pagbabalik sesyon ng Kongreso. | ulat ni Kathleen Jean Forbes